Si Betty Friedan (ipinanganak na Bettye Naomi Goldstein noong 4 Pebrero 1921 sa Peoria, Illinois, - namatay noong 4 Pebrero 2006) ay isang Amerikanang manunulat, aktibista at peminista. Siya ang nagsulat ng aklat na pinamagatang The Feminine Mystique noong 1963. Binigyan niya ng pansin ang kawalan ng kasiyahan ng mga babae sa mga tradisyunal na mga gampanin ng babae. Iginiit niya sa kaniyang aklat na higit na marami pa sa buhay ng kababaihan kaysa sa mga nagagawa o mga tagumpay ng kanilang mga asawang lalaki at mga anak. Naging isa siyang pinuno ng mga kilusang pangkarapatan ng mga babae noong mga dekada ng 1960 at ng 1970. Sa isang panayam para sa magasing Life, sinabi niya ang mga pangungusap na "Women of the world unite! You have nothing to lose but your vacuum cleaner!" ("Magkaisa mga kababaihan ng mundo! Walang mawawala sa inyo kundi ang mga vacuum cleaner lamang ninyo!") Tumulong siya sa pagtatatag ng National Organization for Women (NOW) noong 1966 at siya ang naging unang pangulo nito. Noong 1981, nalathala ang kaniyang The Second Stage. Sa aklat na ito binanggit ni Friedan na ang kilusang pangkababaihan ay nakarating na sa pangalawang yugto nito.
Personal na buhay
Ang mga magulang ni Friedan ay sina Harry at Miriam (Horwitz) Goldstein, na ang mga pamilyang Hudyo ay nagmula sa Rusya at Hunggarya. Ikinasal si Friedan kay Carl Friedan noong 1947. Namatay si Friedan noong kaniyang ika-86 na kaarawan.