Ibang tawag | chawarma, shaurma, showarma, mga iba pang baryasyon |
---|---|
Uri | Karne |
Lugar | Imperyong Otomano |
Rehiyon o bansa | Anatolia, Lebante, Gitnang Silangan |
Ihain nang | Mainit |
Pangunahing Sangkap | Karne: tupa, manok, pabo, baka Sandwits: Karneng panshawarma, pita o pambalot na tinapay, tinadtad o gutay-gutay na gulay, atsara at iba't ibang mga kondimento |
Mga katulad | Doner kebab, al pastor, gyro |
|
Ang shawarma ( /ʃəˈwɑːrmə/; Arabe: شاورما) ay isang ulam sa lutuin sa Gitnang Silangan na binubuo ng karne na hinihiwa nang maninipis, nakasalansan sa hugis-kono, at iniihaw sa patayong tuhugan na dahan-dahang umiikot. Orihinal na gawa sa karneng-tupa, ang shawarma ngayon ay maaaring gawa sa manok, pabo, baka, o bulo. Ipinuputol ang mga maninipis na hiwa sa asador habang umiikot ito. Ang shawarma ay isa sa mga pinakasikat na pagkaing kalye ng mundo, lalo na sa Ehipto at mga bansa ng Lebante, Tangway ng Arabia, at lampas pa.
Ang shawarma ay isina-Arabeng salita ng çevirme 'umiikot' sa wikang Turko, na tumutukoy sa umiikot na tuhugan o rostiserya.
Habang may sinaunang kasaysayan ang pag-iihaw ng karne sa mga pahalang na asador, ang pamamaraan ng pag-iihaw sa patayong salansan ng mga hiwa ng karne at pagpuputol nito habang naluluto ito ay unang lumitaw sa Imperyong Otomano ng ika-19 na siglo, na ngayo'y nasa Turkiya, sa anyo ng doner kebab. Kapwa nanggaling ang gyro ng Gresya at shawarma mula rito. Humantong naman ang shawarma sa pagbubuo noong unang bahagi ng ika-20 siglo ng kontemporaryong ulam sa Mehiko, tacos al pastor, noong dinala ito ng mga Libanong imigrante.
Ihinahanda ang shawarma mula sa mga maninipis na hiwa ng timpladong karne ng tupa, bulo, baka, manok, o pabo. Ipinapatong-patong ang mga hiwa sa isang tuhugan na 60 cm (20 in) ang taas. Maaaring idagdag ang taba ng tupa para maging mas makatas at masarap ito. Dahan-dahang iniikot ng isang tuhugang de-motor ang salansan ng karne sa harap ng pampainit, na nag-iihaw sa panlabas na suson. Ipinuputol ang mga piraso mula sa umiikot na salansan para ihain, karaniwan gamit ang isang mahaba at matulis na kutsilyo.
Maaaring kabilang sa mga espesya ang komino, kardamono, kanela, luyang-dilaw at paprika, at sa mga ilang lugar, baharat. Kadalasang inihahain ang shawarma sa isang sandwits o balot, sa isang manipis na tinapay tulad pita o laffa. Sa Gitnang Silangan, karaniwang inihahain ang shawarmang manok kasama ng sarsa ng bawang, fries, at atsara.
Sa Israel, karamihan ng shawarma ay gawa sa ulikbang pabo at kadalasang inihahain kasama ng sarsang tahini dahil lalabag ang paghahain ng sarsa ng yogurt kasama ng karne sa pagbabawal sa sama-samang pagkakain ng gatas at karne ng mga Hudyo. Kadalasan, pinapalamuti ito ng kinubong kamatis, pipino, at sibuyas, inatsarang gulay, humus, sarang tahini o sarang amba. Maaaring mag-alok ang mga ilang restawran ng mga karagdagang topping tulad ng inihaw na sili, talong o pritong patatas.
{{cite web}}
: CS1 maint: url-status (link)
Ang shawarma ay isang sikat na espesyalidad ng mga Lebantinong Arabe. (Isinalin ang sipi mula sa Ingles)
Shawarma - Isang Arabeng sandwits katulad ng gyro. (Isinalin ang sipi mula sa Ingles)
{{cite web}}
: CS1 maint: url-status (link)
Walang mga pahiwatig sa mga nakasulat na resipi ukol sa edad medyang lutuing Arabe man ni sa mga Turkong aklat sa pagluluto mula sa unang bahagi ng ika-19 na siglo. Ayon sa pananaliksik ni Rennan Yaman, isang Turkong dalubhasang kusinero na nakatira sa Berlin, ang doner kebab ay isang kamangha-manghang bagong likha ng lutuing Otomano. (Isinalin ang sipi mula sa Aleman)
Bursa ang bayan na nagpasimula sa bantog-sa-daigdig na "doner kebab", karneng iniihaw sa isang patayong tuhugan na umiikot. (Isinalin ang sipi mula sa Ingles)